Ni Gomer V. Aragon
MGA TAUHAN:
RASHID, 22 taong gulang, isang Muslim at nasa huling taon sa kursong AB Political Science.
LEILEN, 20 gulang, kaklase at lihim na umiibig kay RASHID.
PANAHON:
Martes, 6:00 ng hapon.
POOK:
Isang maliit na silid sa unang palapag ng isang paupahan. May isang folding bed. Ito'y napapatungan ng isang unan na natatanggal ang itim na punda, pulang kumot na nahuhulog sa suwelo ang laylayan, mga nagkalat na diyaryo. Sa ilalim ng folding bed ay isang lumang pares na katad na sapatos, luma din ang isang pares ng magkahiwalay na tsinelas. Mga sari-saring babasahin ang nakapatong sa karton ng payless. Mga naka-plastic bag na gamit. Isang pudpod na walis.
Sa gawing kanan ng folding bed, isang puting plastic na upuan na may nakasampay na itim na T-shirt at kupasing maong na walking short sa sandalan sa harap ng isang maliit na mesang yari sa kahoy, at napapatungan naman ito ng mga iba't ibang aklat, notebook, isang ballpen at dalawang lapis na mas maikli ang isa. Ilang yellow paper na may sulat ang pinatungan ng maliit na transistor radio. Sa ilalim ng mesa ay ilang gamit kusina na wala sa ayos at isang maruming de-gas na kalan.
Sa tabi ng mesa ay isang kartong naglalaman ng mga maruming kasuotan. Sa tabi ay isang bentilador na walang takip ang elise ang nakatuon sa mesa.
Sa gawing ulunan ng folding bed , isang aparador na nakabukas. May ilang damit na nakahanger sa loob. Tatlong puting brief, dalawang pares na itim na medias, tatlong kupasing maong ang halohalo sa bandang ibaba at napatungan ang isang patig na traveling bag.
Bubukas ang pinto at papasok si RASHID. Ipipinid ang pintuan ng aparador at titignan ang sarili sa gataong salamin na may lamat sa bandang itaas. Aalisin niya ang ang tuwalyang nakatapi sa ibabang bahagi ng katawan. Pupunasan niya ang basang buhok. Muli pang sisipatin ang payating katawan at butuhang mukha bago bubuksan ang aparador. Kukunin ang isang kupasing maong. Isusuot ito. Kukunin ang nakahanger na itim na T-shirt. Isusuot din ito.
Dadamputin ni RASHID ang isang pahayagan. Babasahin niya ang mga headline nito. Kukunot ang kanyang nuo. Kukulimlim ang kanyang mukha. Ibubuka niya ang pahayagan at ilalapag sa suwelo. Luluhod siya dito at magsimula na siyang mag-Salah*.
Maya-maya ay may kakatok sa pintuan. Hindi ito papansinin ni RASHID. Mauulit ang mga katok sa pintuan. Hindi pa rin ito papansinin ni RASHID. Basta sige lang siya sa pagdadasal.
Bubukas ang pintuan at malalantad si LEILEN. Naka-university uniform ito. Barbers cut ang gupit. Maganda. Maputi. Nag-aalala ang mga mata.
Papasok si LEILEN. Uupo sa upuan. Kakalungin ang mga dalang notebook at brown envelop. Papanuurin si RASHID.
LEILEN: (Nag-aalala.) Ras, kahapon ka pa 'di pumapasok a. Ano ba'ng nangyari sa'yo?
(Tatayo si RASHID. Hindi ito sasagot. Kukunin sa aparador ang traveling bag.)
LEILEN: (Tataas ang boses. Ipapatong sa mesa ang mga dala.) Speak to me, Ras! Ano'ng nangyayari sa iyo? (Tatayo ito at ituturo ang traveling bag.) At
ano'ng ibig sabihin nito?
RASHID: (Tititigan niya sa mukha si LEILEN. Matagal.) Paalam Lei.
LEILEN: Shit, Ras, ano ba'ng drama mo? (Papasiglahin ang boses.) Eto nga pala iyong bahagi sa thesis mo na pina-research mo sa akin, okey na. (Kukunin ang brown envelop. Iaabot ito kay RASHID.) Heto, o.
(Hindi ito papansinin ni RASHID. Ilalapag sa folding bed ang traveling bag. Kukunin ang mga nakahanger na damit. Ipapatong sa traveling bag. Ipapatong naman ni LEILEN ang brown envelop sa mga notebook. Padaskol na dadamputin ang mga damit ni RASHID at ibabalik sa aparador.)
LEILEN: Stop that, Ras!
RASHID: (Mataas ang boses.) Ikaw ang tumigil sa katatawag sa akin ng Ras! Abdul Rashid ang pangalan ko! At hindi ko alam kung bulag ka, o bingi at 'di mo nababasa sa mga pahayagan, 'di mo napapanood sa telebisyon, 'di mo napapakinggan sa radyo ang nangyayari sa amin.
LEILEN: I'm sorry, Ras. Isa ka nga palang-- (Di matutuloy ang sasabihin dahil aagawin ni RASHID.)
RASHID: Oo, isa lang akong Muslim. Isang Muslim na sa simula pa'y nauuhaw na sa katahimikan, ng kapayapaan
LEILEN: Alam ko ang nangyayari sa inyo. Pero 'di ko inisip na maaapektuhan ka.
RASHID: Oo, Lei. Hindi lang ako naaapektuhan. Ako ang paulit-ulit na namamatay sa bawat kalahi kong inosenteng namamatay sa walang habas na labanang nagaganap sa amin.
LEILEN: At ano ngayon ang balak mo? Uuwi ka sa inyo? Sasali ka sa labanan? H'wag, Ras. H'wag. Matalino ka. Dean lister. Sa isang tulad mo ay sa paaralan hindi sa labanan. Ras, bayaan mo na sila.
RASHID: (Titigas ang boses.) Kailanma'y 'di ko sila mapapabayaan, Lei. Silang mga magulang ko't kapatid. (Saglit na hihinto.) Hindi mo pa alam ang kuwento ng buhay ko, Lei. Ang perang ginagasta ko dito'y galing sa pawis nila. Galing sa pagtatanim ng halaman. Pangangaso. Pangingisda. Oo, Lei, galing ako sa maliit at mahirap na kumunidad. Wala pang masasabing nakapagtapos ng kolehiyo sa baryo namin. At ako, akong may utak ang siya nilang napagkaisahang pag-aralin, ang pagtapusin
sana. Pero iyon ay isa na lang pangarap. Isang ambisyon.
LEILEN: Please, Ras, stop it. We are candidate for graduation this year. Di mo ba alam yan?
(Uupo sa folding bed si RASHID. Yuyuko. Sasapuhin ng mga kamay ang mukha. Uupo din si LEILEN sa upuan. Hindi mawawala ang mga mata kay RASHID.)
RASHID: (Malungkot ang mahina pero matigas na boses.) Lei
wala na. Ang mga taong nagmamahal at nagpapaaral sa akin ay nalagasan na. Ang ila'y lumalaban. Ang ila'y lumilikas. Ang sakit limiin pero iyo'y nagdudumilat na katutuhanan, sarili naming bayan pero kami'y nagtatago, sumusuot sa kung saan-saan, pilit iniiwasan ang mga kaaway na patuloy na umuubos sa amin.
LEILEN: Ngayon, balak mong uuwi sa inyo? Anong gagawin mo doon? Ano ang maitutulong mo? Mag-isip ka, Ras. Kung financial ang problema mo, maraming paraan diyan. O ako mismo, matutulungan kita. Sasabihin ko sa papa ko ang problema mo tutal isang semester na lang. Natatakot ako para sa iyo, Ras. Natatakot akong isiping isa ka na rin sa mga lumalaban. O sa mga lumilikas. O sa mga namamatay. Ras, please think of it. Wala, wala kayong magagawa. Wala kayong laban.
RASHID: Wala na kung wala. Pero may nasindihan sa kaibuturan ko, at iyo'y humiyaw, humihingi ng katarungan. Katarungan para sa mga namamatay kong kadugo, katarungan para sa amin. (Tatayo at kukunin muli ang mga damit sa aparador.)
LEILEN: (Tataas ang boses.) Ras, kaninong panig ka ba talaga? Doon ba sa mga nagnanais na ihiwalay ang Mindanao sa Pilipinas o sa mga taong mahigpit na tumututol dito?
RASHID: Hindi ko alam, Lei. Basta ang alam ko, kami ang naiipit sa labanang ito. Kami ang nagdurusa. Kami ang nagbubuwis ng buhay. At handa rin akong magbuwis ng buhay kung kinakailangan.
LEILEN: Hangal ka, Ras. Oo, isa kang hangal. At Muslim ka nga. Idolohiyang Muslim. Matagal na kayong nakikipagban pero nakita na ba ninyo ang bunga ng inyong lunggati at dugo? Para saan ang labanan? Wala. Oo, wala. At hindi ko maintindihan kung ano talaga ang layunin ninyo. Ang pumatay ba at mamatay? O ang mamatay at pumatay?
(Tatayo si LEILEN at pipigilan si RASHID. Itutulak naman ni RASHID si LEILEN. Mapapaupo si LEILEN sa dulo ng folding bed. Umiiyak na ito.)
RASHID: (Mataas ang boses. Galit. Ituturo si LEILEN.) Hindi mo ako mapipigilan, Leilen. At h'wag mo akong pigilan.
LEILEN: (Umiiyak.) Ras, hindi mo natitiyak kung sino talaga ang kalaban kung paanong di mo rin tiyak kung kaninong panig ang pumatay sa mga kalahi mo. (Gagapang. Yayakapin ang mga binti ni
RASHID.) Please, Ras, don't go. Stay beside me. I love you, Ras
I love you. Matagal na. Hindi ko kayang malayo ka sa akin lalo na sa walang katiyakan mong patutunguhan. Ras, please alang-alang man lang sa akin
sa aking pag-ibig. Please, Ras. Please
RASHID: Wala akong pag-ibig sa iyo, Leilen.
LEILEN: Tumingin ka sa mga mata ko bago mo sabihin yan, Ras. Kahit kulturang Muslim ang kinagisnan mo, tao ka ring gaya ko, may damdamin, may puso. Huwag mo sanang paghariin ang matinding poot sa iyong puso.
(Isasara ni RASHID ang siper ng traveling bag. Lalapitan si LEILEN. Luluhod siya sa harapan ni LEILEN. Yayakapin niya ito.)
RASHID: (Malungkot at mangiyak-ngiyak ang boses.) Leilen, bakit malupit ang tao? Bakit nagpapatayan? Bakit nila kami ginaganito? Ano ang kasalanan namin? Ano, Leilen? Ano?
LEILEN: (Umiiyak. Gaganti ng yakap.) Hindi ko alam, Ras. Hindi ko alam
RASHID: (Pabulong.) Kapayapaan
nasaan, kailan, paano?
(Tatayo si RASHID. Dadamputin ang traveling bag. Pagmamasdan niya ang umiiyak na si LEILEN. Matagal. At lalabas na siya.)
LEILEN: (Pabulong.) Paalam din, Rashid. Pagpalain ka nawa ni Allah.
(Kakainin ng kadiliman ang kabuuan ni RASHID.)