R O S A S



ni Gomer V. Aragon

       HAPON, habang nagdidilig ako ay may iniabot si Ka Tibo, kartero namin dine sa Mabasa. Telegrama galing sa Division Office ng DECS. Pinababalik ako para sa aking inaplayan. Sa sobrang galak, hindi ko na naalala ang mga tanim kong rosas.
       "O, 'no 'yan?" tanong ni Nanang sa may batalan. Inabot ang pulang timba samantalang napagkit ang mga singkit na mga mata sa hawak kong isang buwan ring hinintay.
       Sinabi ko. Harinawang kasihan ka ng Diyos, anak, ang tugon sa tonong napaghinuha kong may kalakip na galak.
       Harinawa ho, sambot ko.
       Iniwan ko ang aking Nanang na may sunong nang abaka sa pagkakaliskis sa gabrasong dalag na dala ni Tatang mula sa bukid.
       Sa salas pagpanhik ko, nasabit ang aking mga mata sa diploma sa itaas ng munting altar na umiilaw. Ang mga ito ay tanda ng pagpapakahirap ng aming mga magulang. Walang iba sa aming tinapos. Kay ate Emy, ang panganay, at ate Lusing, ang sumunod, ang dalawang nakataas sa aking diplomang makadalawang anibersaryo na sapul napasa-kamay ko. High School sa Bayombong kapwa sila nagtuturo. Bayan ng kanilang nakatuluyan. Samantalang ako, sa katotohanang lagay, 'ika nga, ay nagbibilang pa rin ng poste.
       Gayunpama'y nagamit ko rin ang tinapos ko sa nag-iisang mataas na paaralan sa Belance, liblib na barangay sa bayan naming Dupax del Norte. Sa Division Officce ako nag-aplay at doon ako itinapon na pangako'y pansamantala lamang. Kaso, pansamantalang hindi ko na nahintay. Bukod sa mabundok doon, sobra ang agwat sa amin. Hindi man dinirekta ni Nanang, naino ko sa pakikitungo ang pagtutol nang magkusa akong umayaw. Pabalat bunga na siguro akong matatawag sa mga pahiwatig ni Nanang at kalauna'y maging si Tatang. Dahilan sa aking loob-loob, yaman din lang na pirmihang matalaga, ay sa aking sariling bayan na. Hindi ko na iisiping mahirap mangyari iyon, gaya ng malimit na sinasabi ni Nanang dahil natalo ang aking manok na pulitiko noong botohan na pag-asa ko sanang maninong sa mga bakante sa Central.
       Samantalang patuloy akong sumusuok inilalakip at binibigyan ko nang espesyal na pribilihiyo ang pagtatanim ng rosas.
       Primero'y wala akong hilig dito, pero noong isama ako ng nakaiskwela't kaibigang taga-Paombong, Bulacan na may binabantayang isang pitak ng sari-saring namumulaklak na halaman ang ama, nadakip ng mga bumubukang tila plastik na american rose ang interest ko. At mula sa padalas ko nang pagdalaw sa aking kaklase noon ay siya namang nakakaipon ako ng paso ng rosas.
       Masyadong sensitibo ang american rose sa karaniwan. Muli, ayun si Nanang at sa pagkakataong ito, hindi na masansala ang inis na naipon. Tinukoy ko naman ang mga binatang palaman ng kanto. Buti kung may pakinabang ka, alanganin, ang dagli naman nilang sambot.
       Ang ibayong kasiyahan habang dinidilig ko ng paningin ang mga rosas na walang salang aking kapiling kada hapon ay labis namang dahilan para hindi ako kumibo. P'wera na lang ang mga mata sa kalsada na halos hindi kumukurap gayong nakatudla sa mga bulaklak na ni langaw kung maari ay ayaw kong padaisin.
        Lalo na nga si tonette, ang magandang labing-anim na taon gulang naming kapitbahay. Kung gayong masulyapan ako sa aking halaman, lilipat at hindi titigilan ang magustuhan hangga't di napipitas. Minsan nga'y aking idinadalangin na nakabuka na lahat ang pula mataong sige ang kulit na mahirap sansalain.
       Ang sabi,gayun daw siya nagkakagusto. Nais iyong makuha. Masakit daw ang loob pag di nakukuha. Pag nakuha na, winawalang-halaga na. Lagi ngang aking inaasahang ang pamamaalam ng kinulit ay iyong iniisa-isang pinipigtal ng mapupulang daliri ang mga talulot. Idinidikit sa matilos na ilong matapos ipunin sa makinis na palad. At pag nagpaalam na, sa bawat imbay na nanghahalina ay isa-isang nahuhulog ang mga talulot.
       Wala pa s'ya sa tipanan n'yo," ang sabi ni Tonnette sa harap ng kanilang tarangkahan. Ang kasitahan ko bayan ang tinutukoy.
       Sinalakay ko siya ng malas: kay ganda sa mata ang blusang kulay-bulak at kulay-langit na palda. Kung maputi ay mapagkamalang si Ana Roces.
       "Hinde iba ang lakad ko," sinuklian ko ang ngiti na nakahugis sa kapanga-pangarap na mukha bago sinulyapan ang nakagarahe nilang dyipni. "Di ka ihahatid ni Mang Inggo?" Araw-araw ay nagpapasada si Mang Inggo sa sariling dyipni.
       Tumikwas ang aking isang kilay matapos sabihing personal driver na ng Mayor ng Dupax del Norte ang kanyang ama. "De ko pa alam, a!".
       "Kamakalawa lang siya nag-umpisa, eh. Pasa'n ka ba? "Napagkit ang mga buhay na buhay na mata sa hawak kong brown envelope.
       "Sinabi ko."
       "Talaga?" Nasa mga matang umigpaw sa aking mukha ang galak. "Sana, sa amin ka nila ipasok k'si aprub na 'yung petisyon ng mga anak niya sa Canada do'n sa Filipino teacher namin, si Misis Reperai.
       Ako nga ang humalili. Anong tuwa ko! At makaraan ang isang linggo ay inumpisahan ko na ang propesyon ko.
       Ang bango ko kay Nanang. At kay Nanang ko na inilipat ang responsibilidad na naiwan ko sa aking mga rosas.
       Matapos ang roll call ay binigyan ko ng maikling pagsusulit ang apatnapung estudyante na kinabibilangan ni Tonette sa pilotong seksiyon. A, si Tonette sa harapan, lumiban kahapon, alam kaya ang isasagot?
       Bali panglima nang liban iyon ni Tonette sa aking klase sapul nag-umpisa ako dalawang buwan na ang nakakaraan.
       Gaya ko, ang ibang inaanderan ng bugtong na anak ay lihim na nababahala. Kandidato kasi siya sa pagka-salutaturian.
       Sa bakuran namin, nasabit ang aking paningin ang mga rosas na gasino ko nang napapansin. Manilaw-nilaw ang mga dahon samantalang hindi na naalis ang walang silbing mga bulaklak.
       Nagpatuloy ako sa aming pintuan nang muli na naman akong abatan ng boses ni Aling Narda, ina ni Tonette sa kabilang bakod.
       "Mauna na kayong kumain ni Tonette, Aling Sayong," ang sabi bago ang tunog ng pintuan.
        Ang bagong katulong na matanda ang binilin. Muli't muli kong narinig iyon gayung mataong hindi pa nakapunta ang bilugang matanda sa kanilang kainan sa bayan na kamakailan lang nakuha ni Mang Inggo.
       Wala na naman si Tonette sa kahapon kong klase. Nagtanong ako. Maghapon pala siyang wala. May nakakakita sa kanya sa palengke at may kasama raw itong lalaki.
       Iba na ito, pumuno ito sa kamalayan ko. Papasyalan ko siya, doon nahantong ang aking pagkabahala sa dalagitang salot noon sa rosas ko. Noon. Oo, ngayon ay hindi na maalalang sulyapan ni saglit ang mga rosas na patuloy nang pananamlay.
       "Ikaw pala, sir", hindi niya inaasahan sa tono ang aking pagdalaw.
       "Tuloy ka", nakain pakami ni Aling Sayong, eh." Isinara ang pinto.
       "Sila Mang Inggo?" Sinulyapan ko ang buhay na dekolor na tv sa tabi ng gabewang na karaoke.
       "Nasa bayan," ang inaasahan kong sagot. "Gabi na pag dumating ang mga iyun, eh. 'Lika kain tayo."
       Nagpakusina ang nakatarintas pero maikli ang pang-ibabang dalagita.
       Hindi ako nainip. Napuno ang aking ilong ng pabango nang umayos siya ng upo sa harap ko. "Alam mo na marahil kung bakit kita sinadya," ang aking sinmula. Nagtuwid siya ng katawan pero hindi siya kumibo at pasaglit-saglit ang maiilap niyang mga mata sa aking mukha. "May ginagawa kang bagay na lihis sa isang kagaya mo. Graduating ka, alalahanin mo iyon. Ano bang nangyayari sa 'yo?"
       "I'm fallin'… in love," ang mahinang niyang sabi.
       Kumabila ang aking ngiti. Ano nga ba ang inaasahan kong itutugon sa tulad niyang hubog ay hindi na sa bata?
       "Oo, naroon na ako. Kaso, masyado mo naman 'atang siniseryoso. E, ano kaya kung priority mo pa rin ang studies mo?"
       Inagaw ng mga katok ang isasalag. Dagling inalis ang tirintas at tinungo ang pintuan. May kasama na ito nang bumalik at umangkla pa sa bisitang tingin ko'y isang taon lang ang tanda sa kanya.
       Kaipala'y di nga mabaliw, 'ika nga, ang dalagitang ito. Guwapo kasi ang binatilyo. Mistisuhin. Astang pankista pa nga ang lekat.
       "Siya ang tinutukoy ko," ang sabi.
       Na siyang sisira sa 'yo pag hindi mo iniwasan, dugtong ng kamalayan ko.
       Tumayo ako.
       Hindi inabot ang nakalahad na palad ng binatilyong makabango ang bihis.
       Umallis akong ni gaputok ay walang pumulas sa aking labi. Sa mga magulang na lang ako makiusap. Bagay na hindi ko isinaalang-alang.
       At isang umaga ng Linggo habang nasa mga tanim ang aking interes ay malinaw sa aking tenga ang sali-salitang malalaking boses ng mag-asawa; malinaw din ang pagatol-gatol na iyak ni Tonette.
       Noon pa sana , ang nasa aking isipan samantalang labis-labis ang aking paghihinayang sa mga nasirang buko na wala nang pag-asang bumuko.
        Bigyan mo ng sapat na atensyon ang rosas upang di madale ng mga dapulak at uod nang sa gayo'y maayos na makamukadkad ang mga buko nito, sabi noon ng bulakenyong kaibigan.
       Ewan pero may sumbat na nabuo sa aking kaibuturan. Dapat ay hindi ko lang ito ipinagbibilin. Dapat ako mismo. Walang hilig sa halaman si Nanang. Isa pa, hindi nila maibibigay ang pagkalingang tulad ng may halaman.
       Hamahabol si Tonette ng asignatura. Iyon ay makaraang maaga uling umuuwi si Aling Narda at paminsan-minsan gaya ng dati ay hatid-sundo siya ni Mang Inggo. Pero lumaon ay bumalik sa dati. Hayun uli ang mag-asawang mga hatinggabi na'y hindi pa umuuwi.
       Lumalapit na naman ang graduation. Halos hindi kami makagulapay sa dami ng gawain. Sa paaralan na naubos ang lahat ng panahon ko.
       Isang araw, sumama na si Tonette sa kasintahan. Hindi na lang nahintay ang pagtatapos. At napakabata niya. Labis akong nanghinayang, dagdag pa ang aking mga rosas na tuluyan nang nangatuyot dahil sa kapabayaan ni Nanang?
       Tatlong araw bago ang graduation, umaga'y nakasabay ko sa dyipni ang mga magulang ni Tonette. Halatang may lakad sila. Bihis na bihis sila. Maayos ang suklay. Ako man. Nais kong magsalita. Nais kong sumbatan ang kanilang kapabayaan. Pero walang namutawi sa labi kong gaya nila, ang mga sulok ay paibaba.#


Valley Journal, 1994


rosas | my cyber suitor | naniningalang pugad | tradisyon | diploma |

sa bisperas ng pasko | si apo digos at ang kanyang bangka |salamin...

salamin...
| naniningalang pugad 2 | saniata | bago |