|
|
T R A D I S Y O N
ni Gomer V. Aragon
ANG pagsang-ayun ng kanyang ama sa hangarin ng mga bagong dating ang siyang nagbunsod sa kanya para lumaban, sa kauna-unahang pagkakataon.
"Intindihin n'yo sana 'ko, ama, ang aking panig. Hindi nagiging matatag ang pagsasamang sapilitan ang pagkakabuo."
Ang mga mata ng kanyang ama ay waring nagbabaga na.
"Lapastangan!" bulyaw nito at nahagip nang makakapal na palad ang kanyang pisngi. "Huwag mo kaming ilalagay sa kahihiyan. Ito'ng tandaan mo, hindi mo mababali ang kaugaliang simula't sapul ay ipinagalang na ng ating lipi. Ang kasunduan ay kasunduan. Walang sinumang makakatinag. Tandaan mo 'yan!"
Ang salita ng kanyang ama ay makapangyarihan, hindi bilang haligi ng tahanan, kundi bilang isang matatag na Datu ng Balangay. Gusto niyang ipaglaban ang kanyang karapatan.
Subalit namagitan na ang kanyang ina. niyakap at inilayo siya.
"Anak, tama na," wika nito. "Mapaparusahan ka lang. Habang saklaw ka namin, ang karapatan mo'y kipkip namin. Walang mali sa iyong ama. Hindi karaniwan ang gayun, alam mo 'yan, ugali natin. At wala pang sumalungat nito. Nawa't isaisip mo 'yan, anak."
Mula nang araw na ipagkasundo siya ng mga magulanng, wari'y nagpapatangay na lang siya sa agos. Anak lang siya. Ngunit nang lumaon, hindi na niya madaya ang sarili. Nawalan na siya ng ganang mabuhay. At hindi nagtagal, kung natuloy, humantong sana sa isang kasalanang hindi mapapatawad.
"Tirani, anak, bakit mo naisip iyan?" Lumuluha ang kanyang ina habang pilit na inaagaw ang lubid sa kamay niya.
Niyakap niya ito. Lumuha nang lumuha. "Ina, hindi kaligayahan ang ipagkakaloob ninyo sa akin. Parusa ang kaugaliang sinasabi ninyong magiging kaligayahan ko."
"Anak, nagkakamali ka. Hindi na sana kaugalian ito hanggang ngayon kung ito'y nasubukan nang walang silbi o walang naidulot na kabutihan. Hindi ka nag-iisa, oo, alam mo 'yan. At alam mo ding ako rin, kami ng iyong ama. Pero namalayan mo bang minsan ay nagtalo kami tungkol dito? Ang pagmamahal ay naihahalintulad sa hinuhukay na balon. Habang palalim nang palalim, sumasagana ang tubig na bubukal"
Hindi ninyo ako maintindihan, ina. Ang pagmamahal ko'y matagal nang malalim.
"Tirani, anak..."
"Opo, ina, may nagmamay-ari na sa puso ko."
"Sino siya?" Ang paglaki ng boses nito ay paris noong sabihin niya na ang grupo nila ay magtatanghal sa Maynila. "Sino?"
Muli ay lumuha siya. Hindi siya sumagot.
Sa bawat sulong ng araw ay pilit namang isinisiksik ni Tarim ang sarili sa kanya sa kabila ng kagaspangan niya rito.
"Kailan pa kita mapapalagayan ng loob, Tirani? Paparine na ang itinakdang araw.
"Kahit kailan ay hindi kita maiibig, Tarim", asik niya.
Muling dumating ang pagkakataong magtanghal muli sa Nayong Filipino ng katutubong sayaw ang grupo nila. Pero sa ipinagtapat niya, ayaw na siyang payagang sumama.
Ang pangungulit naman ngayon ni Tarim, sa bawat pakiusap nito ay nagpapaalala sa isang katulad din niyang nagpapalabas ngunit sa ibang grupo, si Sadiri, isang Ilokano at panay din ang papuri sa grupo nila. At sa pabalik-balik nila ay nagkapalagayan ang kanilang loob at di naliwat ay nagkaunawaan.
Ang pag-iibigan nila sa simula pa man ay alam niyang hindi matatanggap. Si Sadiri ay Kristiyano. Bagamat totoo na ang tinapay na kinakain nang patago ay napakasarap, nakakapukaw wari ang tunay na pag-ibig.
Ang kapahamakan, wari'y tinalo ng labis na pag-ibig. At ang mga paalala niya'y di pinakinggan ni Sadiri. Humarap ito sa kanyang ama.
Ya'oy matagal na. Nagpapasalamat pa rin siya sa kabila ng lahat dahil walang nangyari kay Sadiri. Pinauwi na lang ito sa halip na parusahan.
At marahil ang pangyayaring iyon ang nagtulak kay Tarim para gawan siya ng masama. Paos na siya sa kasisigaw. Ang natitira pa niyang lakas ay nag-ipon wari ng panibagong lakas. Napairi siya, ngunit mistula siyang nadaganan ng nilalagnat na bato. Ang mukha noon ni Sadiri minsang nagpaubaya siya, ngayun ay sampung beses halos sa mukha ni Tarim. At nang pagkakataonng sinasansala niya si Sadiri na hingin ang bagay na iyun, ngayon ay nagsisisi na siya. Napasigaw siya. Malakas.
Sampung taon na ang matuling nagdaan. Ang namagitan sa kanila noon ni Tarim ay hindi na niya batid kung ilang beses nang naulit. Basta ang alam niya, ya'oy nagbunga ng dalawang malulusog na sanggol -- palatandaan ng maayos nilang pagsasama.
A, tama ang kanyang ina, habang ang pagsasama'y tumatagal, ang pag-ibig ay lalong tumitibay. Salamat at hindi siya naging traydor sa kanilang tradisyon. -##
Liwayway, 1994
[top]
rosas |
my cyber suitor |
naniningalang pugad |
tradisyon |
diploma |
sa bisperas ng pasko |
si apo digos at ang kanyang bangka |
salamin...
salamin... |
naniningalang pugad 2 |
saniata | bago |
|