D I P L O M A



ni Gomer V. Aragon

1.
       NAGING agresibo na si Mark nitong mga huling araw. Gusto na niyang lampasan ang mga limitasyon ng dalawang pusong nagmamahalan. Naka-isang taon na rin kayo at hindi iyon ang dahilan para pagbigyan mo siya. Marami ka pang pangarap sa buhay, at pangunahin na rito ang matapos mo ang kurso mong Nursing sa isang taon. Pero mahal mo si Mark. Mahal na mahal. Malaki ang naitulong niya sa pagtaas pa ng mga grado mo. Maliban sa mga magulang mo at kay Lord, siya ang inspirasyon mo. Ayaw mong mawala siya sa buhay mo. Hindi mo makakaya.
        Iniwasan mo si Mark. Pero habang ginagawa mo ito, lalo lang siyang napapamahal sa iyo. At naaapektuhan ka na rin nito bagay na hindi nalingid sa ate mo. Close kasi kayo ng ate mo. Wala kayong lihim sa isa't isa. Sinabi mo ang hinihiling ng boyfriend mo. Tumigas ang kanyang mukha. Parang may kahapon siyang binabalikan. At nagkuwento siya.
       MISTULA akong walang buhay noon samantalang payakap-yakap sa akin si Dave. Kanina pa kami nakaupo sa lilim ng malagong punong-kahoy na malapit sa campus. Tago sa mata ng tao ang kinalalagyan namin..
        "Hindi ka kumikibo, a." Puna ni Dave at ginagap ang nanlalamig kong mga kamay.
        Napakislot ako. Humugot ako ng hininga at saka ko masinsinang hinarap si Dave. Kumibot ang aking mga labi. Tinangka kong magsalita ngunit may kung anong bagay na bumara sa aking lalamunan. Gusto kong sabihin kung ano ang bumabagabag sa akin ngunit natatakot ako. Baka hindi matanggap ni Dave ito. At baka ito na ang dahilan ng pagtatapos ng matamis naming relasyon.
        Hindi masasayang ang pagpapakahirap ninyo sa akin, Inay, Itay. Ipinapangako ko sa inyo, magtatapos ako. Ito ang paalam ko noon sa mga magulang natin bago ako tumuntong sa unang taon sa pamantasan.
        Tulad mo, maganda ako noon. Morena. Mahahaba ang pilik ng palangiti kong mata. Hindi gaano ang kalakihan ng aking ulo, ngunit malaman. Aktibo ako. Napasama sa iba't ibang organisasyon.. Nangunguna ako sa aming klase. Marami ang lihim na humahanga sa akin. Maraming nanligaw. Ngunit nagbulag-bulagan ako't nagbi-bingihan ang puso. Iisa ang nakintal sa aking isipan: Tuparin ang pangako sa ating mga magulang.
       Naging mailap ako sa mga lalaki. Hindi ko pinansin ang mga ito hanggang mabansagan akong man-hater.
       Nasa ikatlong taon na ako sa aking kurso nang dumating sa buhay ko si Dave. Guwapo. Matikas. Matamis ang dila. Kilalang chickboy. At nadala ako sa mga buladas niya.
       Nagkarelasyon kami. Relasyong humantong sa madilim na silid.
       "Huwag, Dave!" Matigas akong nagsusumamo noon. "Mali ito. Saka na lang."

       "Kung talagang mahal mo ako, Jen ay patunayan mo. Magtiwala ka sa akin."
       Mahal ko si Dave. Mahal na mahal. Hindi ko kayang mawala ito sa akin. At pinagbigyan ko siya. Na muling naulit. At muli pa. Hanggang karaniwang bagay na lamang iyon sa amin. Hindi ko namamalayang kumukupas na pala ang mga pangako't pangarap ko.
        Kukuha ako ng diploma, Itay, Inay. Bibigyan ko ng bunga ang inyong mga pahirap, iyan lagi ang sinasabi ko noon sa ating mga magulang.
        Nakakalasing ang pagmamahal ni Dave. May nakakarating na bali-balita sa akin na hindi lamang ako ang kasintahan niya ngunit minahal ko siya nang buong-buo. Minahal ko maging mga kapintasan niya.
        "Bakit ba? Kanina ka pa 'alang kibo ah!" yamot na sabi ni Dave.
        Hinarap ko uli siya. "Look at me, Dave," galit kong tugon. At may nadarama na akong mainit sa sulok ng aking mga mata. "Tignan mo ang mukhang ito! Ang katawang ito!"
        Napaamang si Dave sa inasal ko. At nagugulumihang tinitigan ako. Ngayon marahil ay napansin na nitong nahuhulog na pala ang katawan ko. Wala na ang dating ningning sa mukha. Mala-bato na. Malalalim ang mga mata at halatang palaging lumuluha. Mapuputla na ang mga labing dati'y kay pupula.
        "Buntis ako, Dave. Sabi ng doktor ay dalawang buwan na raw." Napayuko akong tutop ng mga kamay ang luhaang mukha.
        "Ano ang pasiya mo ngayon?" hinawakan niya ang kamay ko.
       "Itatakwil ako sa amin 'pag nalaman ito ng mga magulang ko. Mapapatay nila ako."
        "Okey, love… just calm down. Gagawa tayo ng paraan."
        Hindi ako sumagot. Sige ang iyak.
        "Alam mo… m-may kilala akong physician. Malaki'ng maitutulong niya sa atin," may pag-aalinlangang patuloy ni Dave. "Ilang beses ko na siyang nahilingan ng tulong, Jencel. Maaasahan."
        Parang akong isang binging nakarinig. Binawi ko ang kamay ko. "H'wag, Dave! Ayoko… ayoko sa iniisip mo."
        "Pero, Jen… Iyon lang ang alam kong paraan. Wala nang iba. Alangan namang panagutan ko na iyan, e, pareho pa tayong nag-aaral. At ikaw, magtatapos ka na next year, bakit kailangan mong sirain ang iyong kinabukasan kung may iba pa namang paraan."
        "Kahit na, Dave. Ayoko talaga. At…" Saglit akong napahinto at muling hinarap si Dave. "Ikaw ang may kagagawan nito. Kaya dapat lang na panagutan mo ito!" Nagbabanta na ako.
        "Correction lang, love. Pareho nating ginusto. Kung buo sa isip mong pananagutan ko 'yan, nagkakamali ka. Kung me mga magulang kang umaasang matutulungan mo, lalo na 'ko. Hindi pa 'ko handa sa bagay na 'yan. Kaya unawain mo ako."
        Lalo pang kumulimlim ang aking mukha. Tinitigan ko ng matalim si Dave. Tama bang ako ang umunawa? Ako na nga itong inagrabyado. At kung hindi sana ako pinilit, binantaan noon ay malayong sapitin ko ang gusot na ito.
        "Ako ang unawain mo, Dave. Hindi lang pag-aaral ko ang masisira, pati na rin lahat-lahat ng kinabukasan ko. Babae ako. Hindi ko mapapabayaan ito. Anak ko ito. Anak natin." Tinitigan ko ang mukha ni Dave. Pilit na hinuhuli ang mga mata nito. "Isa lang ang itatanong ko sa iyo, Dave. Ako, o ang iyong pag-aaral?"
        Matagal bago nakasagot si Dave. "I'm sorry, Jen. Mahal kita pero mas mahalaga sa akin ang…"
        Isang malakas na sampal ang pinadapo ko sa mukha niya. "I hate you! I hate you!"
        Tumayo ako sa kabila ng pangangatog ng kalamnan. Sa isip ay gusto kong tumakbo. Ngunit gigil na gigil pa rin ako kay Dave. Gusto kong pilipitin. Tirisin. At pinagsusuntok ko. Ngunit para ano pa? Kilala ko si Dave. Iisa ang salita nito. Mahirap nang ituwid.
        May nararamdaman na ako noon sa aking sinapupunan. Bagay na gumagalaw? Muli akong sinalakay ng takot. At muli, marahan kong hinagod ang aking tiyan. Parang may pumipintig. Oo, alam ko. Ang binhi ng buhay ay lumalaki, unti-unti, nagkakaroon ng hugis, ng kulay. At ilang linggo pa, hindi ko na ito maitatago. At muli akong napapikit. Napakagat-labi ako. Umusal ng dalangin.
        Naalala ko ang sinabi noon ni Dave: "May kilala akong physician. Malaki'ng maitutulong niya sa atin". Walang-wala ako noon sa aking sarili. Wala na akong ibang pagpipilian. Ayaw niya akong pakasalan. At desidido talaga akong makapagtapos ako.
        Isang buong linggo akong hindi pumasok. Ginugol ko ang aking oras sa pagbubukas ng mga pahayagan. Sa pagtatanung-tanong nang palihim. May hilot raw, ayaw ko. Hanggang isang araw ay tumawag sa akin si Dave. Sinabi kong sumasang-ayun na ako sa gusto niya..
        "That's may baby," ang sabi, "magkita tayo. Sasamahan kita."
        Nagbihis ako at pagkatapos ay humarap sa salamin. Wala na noon ang aking dating ganda. Nahulog nang tuluyan ang aking katawan. Matagal akong nag-isip, matagal akong umiyak.
        Maipagpapatuloy ko na nang walang sagabal ang aking pag-aaral. Hindi na rin masisira ang pangako ko sa ating mga magulang. At sa darating na taon, ang kanilang masunuring anak -- nasa entablado, nakasuot ng itim na itim , umiiyak habang inaabot ang diploma.

2.
        Diploma… diploma sabing umiiyak ng ate mo sa iyong balikat. Kumalas ka ng yakap sa kanya. Bago ka noon tumuntong ng kolehiyo ay naikuwento na niya sa iyo ito. Hindi ka noon naantig man lang pero ngayon, hilam na rin ang mga mata mo. At ibayong awa na ang lumulukob sa iyo habang minamasdan mo ang sunog at butuhang mukha ng ate mo; ang parang basahan nitong damit; ang kamay nitong lipakin sa maghapong gawain sa bukid. Kung pagbigyan mo si Mark, hindi malayong ganito rin ang sasapitin mo. At muli mo siyang niyakap.
       Ang Diploma ko… ang diploma ko, umiiyak pa ring nulas nito nang iwan mo siya.
        Sa labas ng dampang giray na, nadaanan mo si Dave, ang asawa ng ate mo na ang ganda ng pagkakaupo at sige ang tungga ng alak; samantalang sa may kareta ay ang tatlo mong marungis na pamangkin na nag-iiyakan sa gutom.
        Nagkita kayo ni Mark kinabukasan. Muli kang kinulit. Kulit na may banta. Kung talagang totoo ka ng pakay sa akin, igalang mo ako at matuto kang maghintay - hintayin mong makapagtapos muna tayo pareho. Sagot mo kay Mark sa kauna-unahang pagkakataon nang may pagbabanta rin: Hindi nakaimik si Mark. Umalis siyang di man lang nagpaalam sa iyo. Kinapa mo ang damdamin mo. Masakit pero mas nangingibabaw sa iyo ang huling kataga ng ate mo: "Minsan ka lang magkamali at hindi mo na ito maitutuwid ng buo. Nalaman ng eskwelahan ang nagawa kong napakalaking kasalanan. Binawi nila ang lahat ng natanggap kong pribilihiyo, ang diploma ko, at inalisan ng karapatang makapag-trabaho bilang Nursing. Bigo sa akin ang mga magulang natin, May. Ikaw na lang ang kukuha ng diploma". Oo, ate, hinding-hindi ako matutulad sa iyo. Ako ang kukuha ng totoong diploma. -- #


Liwayway, 1992

                                                                                                      [top]

rosas | my cyber suitor | naniningalang pugad | tradisyon | diploma |

sa bisperas ng pasko | si apo digos at ang kanyang bangka | salamin...

salamin...
| naniningalang pugad 2 | saniata | bago |