|
|
SA BISPERAS NG PASKO
ni Gomer V. Aragon
i.
ALAM mo ba, kinse anyos lang ako noon. Oo, tanda ko pa. At ayaw kong makalimutang di ko na yun matatandaan. At bisperas ng Pasko. Sige noon ang ayos ko sa gataong salamin. Plano namin ng mga kaibigan ko na mangangaroling kami. Pero di naman pera ang pakay - mga handa. Minsan pa akong umikot sa harap ng salamin nang biglang sumasal ang dibdib ko. Exited ba ako? Pero hindi. Iba pag nai-excited ako.
Maliksi akong umibis sa pulang traysikel ni ka Julian, kapitbahay namin. Niyapos ako ng malamig na simoy ng dapit-hapon. Isinuot ko ang sweatshirt na gawang Baguio. Napahalukipkip ako. Kanino kayang bahay ang una naming lulusubin? Sigurado, sa bahay nila Jenny, ang pika-rich sa grupo. At kila Agnes, ang pinaka-poor, ano naman kaya ang handa? Nakadama tuloy ako noon ng inip. Ako na lang ang hinihintay. Lampas na ako sa napagkasunduang oras. Kung bakit naman kasi natagalan sa paggo-grocery si mama.
Pumagitna ako sa hi-way na patugpang bayan ng Dupax. Ni bisekleta ay wala. Kung kailan kailangan ang mga sasakyan at saka ayaw maglitawan. Nakakainis.
At siya namang dating ng sasakyan ninyo. Mabagal ang takbo ng asul na Hi-ace ninyo. Tumabi ako. Akala ko, pagbalik ko sa tabi ay nakalagpas na kayo. Pero lalo pa ninyong binagalan. Sinisino mo ba akong maige?
At huminto kayo sa harapan ko. Biglang nabuksan ang magkabilang pintuan. Pumulas doon ang dalawang kasama mong estranghero sa mga mata kong nabigla. Mabilis, sinaklit ng isa ang balingkinitin kong katawan. May inilabas namang puting panyo ang isa pa. Isinalubong niya sa mukha ko.
Nawalan ako ng malay.
ii.
Nasa ibabaw na kita nang pagbalikan ako ng malay. Pawisan ka. Nanlilisik ang mga mata mong lumuluha. Galit na galit ka sa akin. Pero hindi kita kilala. Hindi. Oo, nakita na kita, malimit, ikaw ang laging nakatingin sa akin tuwing lumalabas kami sa hapon sa aming school. Hindi ko binigyan pansin iyon. Ayaw ko namang isiping nagkakagusto ka sa akin. Hindi ko alam ang mga bagay na iyan. At ni minsan, wala pa yatang nagkagusto sa akin. Hindi naman kasi ako maganda. Kaya nga, mas inisip kong si Janet ang tinutudla talaga ng mga mata mo. Ang ganda kasi niya. At kahit sinong lalaki ay hindi mag-aksaya ng pagkakataong pakatitigan siya.
Nanlaban pa rin ako. Wala, walang nagawa ang maliiit, at bata kong katawan sa katawan mong may matinding hinahangad.
Mahal na mahal kita. Nagtiis, nagpakahirap ako nang dahil lang sa iyo, tapos ito lang pala ang igaganti mo sa akin? Sabi mo habang iminumulat mo ako sa aking kawalang malay.
Hindi kita kilala. Hindi kita kilala. Iyak ko. Pero pinakinggan mo ba ako?
Mahal na mahal kita. Nagtiis, nagpakahirap ako nang dahil lang sa iyo, tapos ito lang pala ang igaganti mo sa akin?
Iyan pa rin ang huling narinig ko bago ako nawalan uli ng malay.
iii.
Gusto ko nang mamatay pagkatapos ng ginawa mo. Pero pinilit ko pa ring maging normal ang lahat. Inipon ko sa aking dibdib ang lahat-lahat. Ayaw kong ipagtapat sa kahit na sino ang nangyari. At siguro, anong tuwa mo pag nalaman mo iyon.
Nadagdagan pa ang pagiging tahimik ko. Ang pagiging tulala. Paulit-ulit akong umiiyak tuwing ako ay nag-iisa. Ang hirap. Parang di ko kaya. Lalo na pag sumasapit ang Bisperas ng Pasko. Gusto ko na ngang burahin ang araw na iyan.
Tinapos ko din ang high school. Sa kolehiyo, mas com ang kinuha ko sa kabila ng pagiging tahimik ko. Gusto ko balang araw, magsalita ako. Magsalita nang magsalita. Ilabas, ipaalam sa buong mundo ang kahayupan mo.
iv.
Sumulat ka sa akin. Marami. Oo, alam kong sa iyo galing ang mga ito. Wala akong ibang alam na rason para ako sulatan ng iba. Ikaw lang. Ikaw na galit na galit sa akin.. Ayaw ko nang isipin kung paano mo nalaman ang pangalan ko at ang bahay namin. Demonyo ka kasi. Maraming kampon.
Ayaw kong buksan ang mga ito. Ayaw ko ding itapon. Balang araw, makakatulong din ang mga ito sa akin. At naiipon lang sa drawer ko.
Matagal na. Nasa ikatlong taon na ako. Pero bakit patuloy mo pa rin akong sinusulatan? Gano'n na ba talaga ang katindi ng galit mo sa akin at kasiyahan mo nang ipaalala ang walang kasinlupit mong ginawa?
Pero hangal ka. Alam mo ba iyun? Hangal ka!
Ano ba'ng kasalanan ang nagawa ko sa iyo? Paano kita niloko?
Umiiyak na naman ako, alam mo ba? Pinatay mo ang kaligayahan ko.
Mahal na mahal kita. Nagtiis, nagpakahirap ako nang dahil lang sa iyo, tapos ito lang pala ang igaganti mo sa akin?
Bakit ko ginawa ito? Bakit ko ginawa ito? Bakit ko ginawa ito? Ano, ano ba ang ginawa ko? Ano?
Hindi ko na kaya. At biglang kong isinabog ang mga sulat mo. Pinagpupunit. Nanggagalaiti ako. Hanggang napahalupasay ako sa pagod. Matagal akong lumuha.
Nang mahimas-himasan ay pinulot ko ang isang nagtago sa ilalim ng kama ko. Nanginginig pa ang mga kamay ko nang buksan ko. Munting kalatas: Sana, sa Pasko, mapatawad mo na ako. At ang address mo.
Pinagtagni-tagni ko pa ang iba mo pang sulat. Munting kalatas: Sana, sa Pasko, mapatawad mo na ako. At ang address mo.
v.
Mas lalo mong ginulo ang isipan ko. Hindi ko maapuhap ang gusto mong ipahiwatig. Humihingi ka ng tawad. Pero bakit? Di ba, ako ang nagkasala sa iyo?
At sinulatan kita. Gusto kong malaman sa iyo kung sino ako.
Hinintay ko ang sulat mo. Matagal. At nang muling dumating ang Christmas vacation ay naroon na sa drawer ko ang sulat mo.
Ikaw si Brenda. Apat na taon na tayong nagmamahalan. Nag-abroad ako. Kailangan. Para sa ating kinabukasan. Taunan ang kontrata ko. At tuwing umuuwi ako, malimit mong sinasabi na magpapakasal na tayo. Bagay namang isinasaalang-alang ko pa dahil di pa sapat ang naiipon ko. Sa pang-apat na pagbakasyon ko, namanhikan na kami. At napagkasunduan natin na sa pagbabakasyon ko, pakakasal na tayo. Lagi kong pinapangarap ang araw na iyon. Pero sinabi sa isang sulat ng nanay ko na kalimutan ko na daw ang napagkasunduan ng pamilya natin. At kalimutan na rin kita.
Sumulat muli ako sa iyo. Ibinigay ko ang telephone number sa aming dormitory.
Matagal na naman. At tinawagan mo nga ako. Gabi. At nagkuwento ka nang nagkuwento. Umiiyak ka. Hindi ako nagsasalita. Binabayaan lang kita. Ayaw kong sagutin ang mga tanong mo. Ibinagsak ko ang awdotibo nang malaman ko ang gusto kong malaman.
Ikaw si Brenda. Ka-edad mo siya nang una kong makilala. Oo, ikaw talaga si Brenda. Ikaw! Ikaw!
At nasagot ang mga tanong.
Hindi ka na rin tumawag.
Gusto kitang makita sa aking pagtatapos. Gusto kong makita mo ang murang katawang minsan ay pinagsawan mo habang nasa stage at inaabot ang kanyang diploma.
Sinulatan kita. At dumating ka nga. Hindi mo ako binigo. Kagalang-galang na ang ayos mo. Wala na ang hayok sa mga mata mo. Bagkus ay humihingi ng tawad ang mga ito. Pero ikaw pa rin ang ikaw sa mga mata ko.
vi.
Apat na taon pa.
Matagal. Magastos. Nakakainip. Pero sa dulo ay ang tagumpay.
Oo, bisperas na naman ng Pasko. At bukas ay Pasko na. Ngayon, alam mo nang hindi laging pagpapatawad ang tunay na simbolo ng Pasko.
At mamaya lang, huhugutin ko na ang itim na kandela sa aking dibdib, sisindihan ko ito at sana ay maging tanglaw mo sa iyong pagbabalik. - #
Burnay Ezine, 1999
[top]
rosas |
my cyber suitor |
naniningalang pugad |
tradisyon |
diploma |
sa bisperas ng pasko |
si apo digos at ang kanyang bangka |
salamin...
salamin... |
naniningalang pugad 2 |
saniata | bago |
|